Nag-ikot si House Speaker Martin Romualdez at ilan pang mambabatas kasama si Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa ilang warehouse ng bigas sa Inter-City Industrial Complex sa Balagtas, Bulacan.
Ito ay upang matukoy kung mayroon nga ba talagang sapat na suplay ng bigas sa bansa mapa-lokal man o imported.
Ayon kay Romualdez, natuklasan nila na ilan sa nakaimbak na bigas doon ay tatlong buwan nang nakatago at maikokonsidera na bilang hoarding.
“…gusto lang natin malaman kung anong sitwasyon dito sa ground at nakikita po natin, sapat naman ang supply ng bigas. Kesyo locally produced or imported. At nakikita din natin yung iba dito, naka-stock up na rito ng almost 3 months. So dapat ilabas na yan, kasi pag 3 months yan, hoarding na rin yun.” sabi ni Romualdez
Isa sa nakikita nilang modus ng mga trader ay iniipit ang suplay at isinasabay sa pagtaas ng presyo sa world market para kumita.
Kaya naman panawagan ng House leader, huwag nang ipitin ang suplay at ilabas na sa merkado para hindi mahirapan sa mataas na presyo ang taumbayan.
“Tawag dito, greed. Moderate your greed…Lahat pwede naman tayong kumite. Wala tayong problema diyan. Pero yung kita nyo i-moderate mo. Kasi nakikita nila, ‘uy, tumataas yung presyo ng Vietnam rice o yung Thailand rice, sundan na lang natin. Ipitin muna natin yung supply. Para abangan natin yung pag-akyat.’ Huwag naman…Maski ‘yung mga locally produced, hinohold back, mina-match nila ‘yung pricing sa international pricing [adjustments],” dagdag ni Romualdez
Ilalapit din aniya nila ito kay rice czar Agriculture Usec. Leocadio Sebastian, na matiyak na ang lahat ng ipinapasok na suplay ng bigas ay ilalabas din sa merkado sa makatwirang presyo. | ulat ni Kathleen Forbes