Pormal na ngang idineklara bilang smoke-free ang may tatlong parke o pook pasyalan sa Lungsod ng San Juan ngayong araw.
Ito’y bilang pagtalima sa mga umiiral na batas na nagtataguyod sa pampublikong kalusugan, pagtitiyak ng mailinis na hangin at maaliwalas na kapaligiran sa Metro Manila para sa lahat.
Kapwa pinangunahan nila San Juan City Mayor Francis Zamora at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Don Artes ang isinagawang maikling programa sa Pinaglabanan Shrine.
Maliban sa Pinaglabanan Shrine, idineklara ring smoke-free ang San Juan City Mini Park, at ang El Polvorin Linear Park kung saan, mahigpit na ipagbabawal dito ang paninigarilyo gayundin ang paggamit ng vape.
Ayon kay Mayor Zamora, welcome sa kanila ang inisyatibang ito ng MMDA dahil kadalasang binibisita ng mga nakatatanda, gayundin ang mga kabataan, at mga may karamdaman ang mga parke o pasyalan bilang kanilang pahingahan.
Naka-angkla aniya ang mga ito sa probisyon ng Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act o 2003 at EO 26 o ang batas na nagtatatag ng Smoke-Free Environments in Public and Enclosed Spaces at City Ordinance Number 5. | ulat ni Jaymark Dagala