Napasugod ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection sa isang subdivision sa Bagbaguin, Caloocan City dahil sa hinalang mayroong chemical leak sa lugar.
Ayon kay Barangay Bagbaguin Caloocan City Administrator Mar Reginio, amoy kemikal ang inirereklamo ng mga residente na ilang araw na raw nilang naaamoy sa bungad ng Gremville Subdivision.
Sinuyod ng mga tauhan ng BFP ang lugar para matukoy kung saan nanggagaling ang sinasabing chemical leak.
Bukod dito ay pinuntahan din nila ang isang malawak at malalim na creek at pinasok ang bahagi na may malaking imburnal sa ilalim.
Pero ayon kay BFP Camanava District Ground Commander Fire Major Ely Timuat, hindi pa matukoy kung kemikal nga ang naamoy ng mga residente.
Bagamat amoy nasusunog na mga plastic ang inisyal na naaamoy ng mga tauhan ng BFP, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na mula ito sa isang kemikal.
Sa ngayon, nag-talaga na ng mga tauhan ang BFP sa Gremville Subdivision para i-monitor ang lugar at mapanatag ang kalooban ng mga residente. | ulat ni Diane Lear