Aminado ang Philippine National Police- Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na namamayagpag pa rin ang mga scammer para mambiktima.
Ito’y kahit nagtapos na noon pang July 25 ang SIM Registration ng pamahalaan na naglalayong masawata na ang pag-atake ng mga kawatan gamit ang cellphones.
Ayon kay PNP-ACG Spokesperson, Police Captain Michelle Sabino, may nakararating pa rin sa kanilang sumbong na may nakatatanggap ng mensahe na nag-aalok ng trabaho na may malaking suweldo.
Batay sa kanilang monitoring ay bagaman nabawasan ay hindi pa rin napigilan ng SIM Registration ang mga scammer dahil tuloy pa rin ang kanilang aktibidad.
Kasunod nito, hindi naman tumitigil ang PNP-ACG sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga telecommunications company (telcos) kung paano ito mareresolba. | ulat ni Jaymark Dagala