Tumaas pa ang bilang ng mga pamilyang kinailangang ilikas sa lalawigan ng Cagayan dahil sa bagyong #GoringPH.
Batay sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umaabot na ito sa 448 na pamilya na may kabuuang 1,473 katao.
Mula ito 24 na barangays nang 6 na bayan ng 1st District ng Cagayan na kinabibilangan ng Sta Ana, Gonzaga, Sta Teresita, Gattaran, Lallo, at Baggao.
Ang mga ito ay nasa evacuation centers at mayroon ding nakisilong sa kanilang mga kaanak.
Ayon kay PDRRMO head Ruelie Rapsing, nagsagawa ng forced evacuation sa mga residente ang mga Local DRRMCs ng naturang mga bayan dahil sa nararanasang pagbaha at banta ng pagguho ng lupa dahil sa maghapon at magdamagang pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong #GoringPH.
Inaasahang madagdagan pa aniya ang nabanggit na bilang dahil kasalukuyan ang isinasagawang paglilikas sa ilang mga residente sa coastal towns ng probinsya.
Hanggang kaninang alas-12:00 ng madaling araw, napaulat na hindi na madaanan ang Abariongan Ruar – Abariongan Uneg Rd., Tammuco – Balagan- Abariongan Ruar Rd. at ang Tamban Bridge sa bayan ng Sto. Nino, Cagayan matapos malubog sa tubig baha. | ulat ni Dina Villacampa | RP1 Tuguegarao