Itinutulak ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan na ilibre ang tuition fee ng mga government employee na kummukuha o kukuha ng Master’s Degree sa state universities at colleges.
Sa ilalim ng House Bill 8834 o Free Master’s Degree Tuition for Government Employees Act bibigyan ng libreng matrikula ang mga career at non-career government employee na kukuha ng master’s degree program sa SUC kung saan sila magkukuwalipikang pumasok.
Kailangan naman na may limang taon na sa serbisyo mula sa pagpapatupad ng panukala para makuha ang naturang benepisyo.
Kailangan namang matapos ang Master’s Degree sa itinakdang panahon kung hindi ay aalisin na ang mga ito sa mga benepisyaryo ng programa.
Hindi naman na kasali dito ang mga mayroong nang state-sponsored graduate education scholarship, may nakabinbing administrative charges dahil sa grave offenses; at mga hindi pumasa sa admission at retention policies ng SUC.
Diin ni Yamsuan, sa pamamagitan ng panukala ay maisusulong ang career advancement ng mga kawani ng gobyerno at makatutulong para sa mas maayos na pagseserbisyo.
“…In addition to experience, training, civil service eligibility, and performance rating, educational attainment plays a vital role in the merit-based selection and promotion of civil service employees. Thus, this measure will not only boost our civil servants’ morale and job satisfaction, it will also ensure employee retention, resulting in a more stable civil service,” ani Yamsuan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes