Nangako ang Bureau of Immigration (BI) na pabibilisin ang pagproseso sa mga biyahero ng hanggang 45 segundo kapalit ng mas malaking budget sa 2024.
Pagbabahagi ni Deputy Speaker Ralph Recto, nakasaad sa ‘Performance Information’ ng BI sa kanilang budget request na gagawing mabilis ang pagproseso ng mga biyahero para sa dagdag na ₱2.63-billion na pondo.
Sa kabuuan, ang panukalang pondo ng ahensya ay ₱4.24-billion at gagamiting pambili ng mga bagong kagamitan.
“That’s their promissory note to taxpayers : Increase our budget to ₱4.25-billion and almost all passengers will be gone in 45 seconds,“ aniya.
Pinatitiyak naman Recto na magagamit ito para masala at mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga undesirable aliens gaya ng undocumented POGO workers.
Para kay Recto, dapat magsimula ang 45-second processing sa pagpila ng pasahero at hindi lamang sa harap ng Immigration officer.
“Pwede ka naman talagang maproseso in 45 seconds ng Immigration officer pero kalahating oras ka naman nakatayo sa pila. Dapat ang nakasulat sa General Appropriations Act kung kelan nagsimula pumila,” punto ni Recto.
Gusto ring malaman ng Batangas solon, kung maisasakatuparan pa rin ba ang pangakong 45 seconds ngayong may bagong polisiya kung saan humihingi ng dagdag na dokumento sa mga papaalis na Pilipino.
“Will this create a logjam that will hassle not just travelers, but Immigration officers as well? If the processing is as lengthy as a job interview o parang cross-examination na mas marami pang tanong kesa namamanhikan, will the stricter rules cut speed?” tanong ni Recto.
Paalala pa ng mambabatas na dapat maramdaman ng mga Pilipino ang buwis na kanilang ibinabayad kapag bumibiyahe. | ulat ni Kathleen Jean Forbes