Nagdeklara ang Bacolod City government ng kanselasyon ng klase sa lahat ng antas at pansamantalang pagtigil ng operasyon sa lahat ng opisina ng pamahalaan bukas, Agosto 29.
Ayon sa Executive Order No. 47 Series of 2023 ni Acting Mayor El Cid Familiaran, kanselado ang mga klase at suspendido ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan, maliban sa mga opisina na nagbibigay ng “essential services” sa panahon ng kalamidad, dahil sa masamang lagay ng panahon dulot ng bagyong #GoringPH.
Kasama rin sa nasabing kautusan ang pahintulot sa Commission on Elections ng Bacolod na tumanggap ng mga Certificate of Candidacy (COC) na isusumite sa kanilang tanggapan para sa paparating na barangay at SK elections.
Hinihimok din ang mga employer ng mga pribadong establisyimento sa lungsod na itigil ang operasyon upang magawa ng mga empleyado ang kinakailangang pangangalaga sa kanilang pamilya.
Tinawagan din ni Familiaran ang mga opisyal ng barangay at mga residente ng mga lugar na madalas bahain at low-lying areas na bantayan ang sitwasyon sa kanilang mga nasasakupan. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta | RP1 Iloilo