Tinatayang nasa P500 million ang inilaan para sa upgrading ng bicycle lanes at pedestrian walkways sa ilalim ng national government’s Active Transport Program (ATP) para sa taong 2024.
Sinabi ni Quezon City Rep. Marvin Rillo, layon nito na i-develop ang pagbibisiketa at paglalakad sa mga lansangan.
Aniya, suportado niya ang active transport na naglalayong mabawasan ang motor vehicle emission para sa mas malinis na hangin at mas maayos na kalusugan ng mga indibidwal.
Ayon pa sa Vice Chair ng House Committee on Metro Manila Development, ang P500 million ay nakapaloob sa 2024 budget ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ay karagdagan sa P705 million para ngayong taon at P2 billion funding noong 2022.
Kumpiyansa ang mambabatas na dahil sa karagagang ATP funds ay maeenganyo ang publiko na gumamit ng bisikleta bilang alternative mode of mobility.
As of June 2023, nasa 562 km na bicycle lanes na ang nagagawa ng DOTr sa Metro Manila, Metro Cebu at Davao.| ulat ni Melany V. Reyes