Isa pang panukala ang inihain ng ACT-CIS Party-list solons, na magbibigay ng patas na oportunidad sa pagtatrabaho.
Matapos ang pagsusulong na bigyan ng posisyon sa mga kumpanya ang persons with disability (PWDs), itinutulak nina Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, kasama sina ACT-CIS Representative. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo—na mabigyan din ng trabaho ang mga senior citizen.
Sa ilalim ng House Bill 8972, ang government agencies at mga pribadong kumpanya na may higit sa 100 empleyado ay kailangang maglaan ng 1% ng kanilang posisyon para sa senior citizens.
Kung ang tauhan ng pribadong kumpanya ay mas mababa sa 100 ang empleyado ay hinihikayat pa rin sila na maglaan ng posisyon para sa mga nakatatanda.
“Before I assumed post as a Representative of ACT-CIS Party-list, madalas ko na pong sinasabi na isusulong ko ang batas para mabigyan ng maayos at sapat na trabaho ang mga PWD at senior citizen. Eto na po, tinutupad na natin,” saad ni Tulfo
Aamyendahan ng panukala ang kasalukuyang Republic Act 9994, na naglalatag ng benepisyo at pribilehiyo ng mga senior citizen.
Umaasa ang mga mambabatas, na matutugunan nito ang gap sa pagitan ng skilled at experienced senior citizen at pangangailangan ng mga kumpanya ng tauhan.
Kadalasan kasing nagkakaroon ng bias sa mga senior citizen dahil sa kanilang edad, kahit may kakayahan pa naman na magtrabaho at maging produktibo. | ulat ni Kathleen Forbes