Walang naitalang major untoward incident ang Philippine National Police (PNP) sa unang araw ng checkpoint operations kahapon para sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang iniulat ng PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Red Maranan, kasabay ng pagsabi na inatasan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga Regional Director, na direktang i-supervise ang mga checkpoint operations.
Pinasisiguro din aniya ng PNP Chief sa mga Provincial Director at Chiefs of Police na yung mga pulis na nagko-conduct ng checkpoint ay nandun sa mga lugar na maliwanag, mayroong mga markadong sasakyan, nakasuot ng uniporme
at istriktong susunod sa Police Operational Procedures.
Paalala naman ni Maranan sa mga pulis na maging magalang sa mga motorista at respetuhin ang karapatang pantao sa pagpapatupad ng checkpoint search.
Samantala, ipinauubaya na aniya ng pamunuan ng PNP sa mga ground commander kung ilang checkpoint ang ilalalatag, depende sa sitwasyong panseguridad sa kanilang nasasakupan. | ulat ni Leo Sarne