Maagang pumasok ang mga estudyante ng President Corazon Aquino Elementary School sa Batasan, Quezon City sa pagbabalik ng klase ngayong Martes, August 29.
Halatang sabik ang mga mag-aaral na magbalik eskwela bitbit ang mga bagong school bag at uniporme.
Wala pang alas-6 ng umaga, pinapila na ang mga estudyante at agad sinimulan ang unang flag-raising ceremony ngayong pasukan.
Nagkaroon din ng morning exercise kung saan sabay-sabay na umindak ang mga guro at mag-aaral.
Ayon kay PCCAES Principal Dr. Wilma Rosal, as of August 29 ay nasa higit 8,700 na ang mga estudyanteng enrolled sa kanila.
Tiniyak naman nito ang maayos na pagtalima ng kanilang paaralan sa mga polisya ng Department of Education (DepEd) kabilang ang pag-aalis sa lahat ng disenyo sa loob ng classroom.
Katunayan, wala nang anumang disenyo o mga nakapaskil ang makikita sa loob ng mga classroom ng PCCAES.
Ayon kay Teacher Vanessa, bukod sa mas maayos at malinis nang tingnan ang classroom, mas mainam na rin ito para makatutok sa pag-aaral ang mga estudyante.
Dahil hindi naman pinapayagan ang mga magulang sa loob, nagkumpulan sa footbridge sa labas ang mga ito para abangan sa pagpasok sa classroom ang kanilang mga anak.
Bahagya ring nagdulot ng pagbigat sa trapiko sa bahagi ng Batasan Road dahil sa maagang dagsa ng mga magulang at estudyante. | ulat ni Merry Ann Bastasa