May naghihintay na pabuya sa sinumang tipster na magbibigay ng impormasyon sa Bureau of Customs hinggil sa presensya ng mga puslit na bigas sa isang partikular na lugar.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na 20% ng value ng nakumpiskang kontrabando ang maaaring makuha ng isang impormante bilang kanyang pabuya.
Pero pagbibigay diin ni Rubio, makukuha lang ang porsyento ng reward kapag “subject for auction” na ang nasamsam na puslit na produkto.
Ang sistema kasi sabi ng BOC chief ay bibigyan muna nila ng 15 araw ang may-ari ng kargamento para makapaglabas ng dokumentong magpapatunay na ligal ang item na pansamantalang nakumpiska.
Maaaring idaan ang impormasyon sa customs.gov.ph. | ulat ni Alvin Baltazar