Nadagdagan pa ang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Ayon sa Department of Education (DepEd), umabot na sa 22.9 milyon ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll para sa School Year 2023 – 2024.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng Learner Information System Quick Count hanggang ngayong August 29.
Pinakamarami ang nag-enroll sa Region IV-A na umabot sa 3.4 milyon, sinundan naman ito ng Region 3 na may 2.6 milyon, at National Capital Region na may 2.4 milyon.
Ayon kay Education Spokesperson Undersecretary Michael Poa, maaari pang madagdagan hanggang sa susunod na dalawang linggo ang nasabing bilang dahil sa mga late enrollee.
Ani Poa, mayroon din kasing mga klase ang suspendido ngayong araw dahil na rin sa bagyong Goring at mga pagbaha.
Samantala, maaari ring mag-enroll ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa mga barangay, community learning center, at sa pinakamalapit na pampublikong paaralan.
Ngayong araw opisyal nang binuksan ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa para sa School Year 2023 – 2024. | ulat ni Diane Lear