Malugod na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang patuloy na pagtulong ng Israel sa AFP Modernization and Capability Upgrading Program.
Ang suporta ng Israel ay tiniyak ni BGen. Efraim Defrin, Head of International Cooperation Division ng Israel Defense Forces (IDF), sa kaniyang pagbisita sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo ngayong umaga.
Dito’y nakipagpulong si BGen. Defrin kay AFP Inspector General Lt.Gen. William Gonzales PA, at Deputy Chief of Staff for Education, Training and Doctrine, J8, Marine BGen. Noel Beleran.
Ang AFP ay kasalukuyang may 20 proyekto kasama ang Israel kung saan 14 ay nakumpleto na, na nagkakahalaga ng 19 na bilyong piso.
Ang mga ongoing na proyekto ay kinabibilangan ng mga light tanks, armored personnel carriers, ground-based air defense systems, at fast attack interdiction craft.
Ang kooperasyon ng Pilipinas at Israel sa larangang pandepensa ay saklaw ng Memorandum of Understanding (MOU) on Logistics and Defense Industry Cooperation na nilagdaan ng AFP at Israeli Defense Forces noong 2010. | ulat ni Leo Sarne
: PFC Carmelotes PN(M), PAOAFP