Nasa 175 na mga Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa lalawigan ng Agusan del Sur ang nagtipon para sa ‘Info-Caravan on Reintegration for OFWs’ program na isinagawa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Caraga sa Trento, Agusan del Sur nitong nakaraang Myerkules.
Layon ng nasabing aktibidad na mailapit sa mga OFW at mga dependent nito ang iba’t ibang serbisyo at programa hindi lang ng kanilang tanggapan kundi maging ng iba pang ahensya ng gobyerno.
Naging highlight ng pagtitipon ang turn-over ng pinansyal na tulong para sa mga OFW na nagpasyang umuwi ng Pilipinas at magtayo na lamang ng sariling negosyo.
Sa pamamagitan ng programang “Balik Pinas Balik Hanapbuhay,” nasa P220,000ang kabuoang halaga na ipinamahagi sa walong OFW.
Nagsagawa rin ng techno-skills demonstration para sa pangkabuhayan ng pamilya ng mga OFW.
Nag-enjoy ang mga dumalo sa mga palaro at premyo gaya ng tig-limang kilong bigas, blender, electric fryer, waffle maker at kumpletong set ng gas stove.
Naghandog naman ng libreng gupit ang 11th Special Action Force at 544th Engineer Construction Battalion para sa mga lalaki. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan