Nakataas ang heavy rainfall warning sa Metro Manila at ilang lugar sa Luzon dahil sa nararanasang patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat na pinaiigting ng bagyong Hanna.
Sa inilabas na rainfall warning ng PAGASA, kaninang alas-8 ng umaga, umiiral ang Yellow Rainfall Warning sa MetroManila, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Zambales (Botolan, Cabangan, San Antonio, San Felipe, San Marcelino, San Narciso, Castillejos, Olongapo, Subic).
Dahil dito, pinag-iingat rin ang mga residente na nakatira sa flood-prone areas na maging alerto sa posibilidad ng mga pagbaha.
Mahina hanggang katamtamang ulan na minsan ay may kalakasan din ang nararanasan sa Tarlac, Nueva Ecija, Rizal, Laguna, Batangas, at nalalabing bahagi ng Zambales.
Habang uulanin din ang lalawigan ng Quezon sa susunod na tatlong oras.
Dahil dito, patuloy na inaabisuhan ang publiko at mga Disaster Risk Reduction and Management Offices na mahigpit na i-monitor ang lagay ng panahon. | ulat ni Merry Ann Bastasa