Paiigtingin pa ng Land Transportation Office (LTO) ang ugnayan nito sa Philippine National Police (PNP) para habulin ang mga online scammer na nambibiktima ng mga kumukuha ng lisensya sa ahensya.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, talamak online ang mga grupo na nag-aalok ng tulong para mapadali umano ang pakikipagtransaksyon sa LTO gaya ng pagkuha ng student permit, lisensya o pag-renew ng sasakyan ngunit sa huli ay nangloloko lamang at pineperahan lamang ang biktima.
Plano ni Asec. Mendoza na makipagpulong sa PNP upang mapigilan ang iligal na mga aktibidad ng mga naturang online scammer.
Kasunod nito, nagbabala si Mendoza sa mga online scammer na hindi sila titigilan ng LTO hangga’t hindi napapanagot sa batas.
“Hindi titigil ang LTO at iba pang ahensya ng gobyerno hangga’t hindi nahuhuli ang mga gaya ninyo na nananamantala lamang ng kapwa. We are determined to put you behind bars,” pagbibigay diin ni Mendoza.
Kasunod nito ay hinimok rin ni Mendoza ang mga netizen na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad i-report sa LTO o sa Pulisya kung may impormasyon tungkol sa mga grupong ito.
“More than anyone else, kailangan ng mga awtoridad ang tulong ng publiko upang masawata natin itong mga scammers na ito na ginagamit at sinasamantala ang teknolohiya upang makapangloko ng tao,” wika ni Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa