Welcome para kay Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na itutulak ang pag-apruba ng panukalang ₱150 na taas-sahod bago mag-Pasko.
Aniya, magandang balita kung totohanin ng Senado ang pag-apruba ng panukalang Legislated Wage Hike bago matapos ang taon, at dapat ding kumilos na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Bagamat batid na makatutulong na ang ₱150 across-the-board wage hike sa mga pribadong sektor at minimum wage earners, nais pa ring isulong ni Brosas ang ₱1,100 minimum wage rate na nakabatay aniya sa family living wage.
Sa kasalukuyan ay nasa ₱350 pa rin ang minimum wage rate sa CARAGA Region habang ₱350-₱470 ang sa CALABARZON depende sa klasipikasyon ng munisipalidad.
Kinalampag naman ng lady solon ang Kamara na ipasa na rin ang wage hike bills na nakabinbin sa ngayon.
Aprubado na sa sub-committee sa Kamara ang panukalang ₱750 national minimum wage ngunit kailangan pang isalang sa deliberasyon sa mother committee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes