Tumaas pa ang bilang ng mga estudyante ang nag-enroll para sa School Year 2023-2024.
Ayon sa Department of Education o DepEd, umabot na sa 25.1 milyon ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral ang nag-enroll ngayong school year.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng Learner Information System Quick Count hanggang ngayong September 4.
Pinakamarami ang nag-enroll sa Region IV-A na umabot na sa 3.7 milyon, sinundan naman ito ng Region 3 na may 2.7 milyon, at National Capital Region na may 2.6 milyon.
Habang ang Alternative Learning System o ALS naman ay may mahigit 230,000 ang nagpatala.
Ayon kay Education Spokesperson Undersecretary Michael Poa, maaari pang madagdagan hanggang sa susunod na dalawang linggo ang nasabing bilang dahil sa mga late enrollee.
Nakakaapekto rin aniya rito ang mga suspensyon ng klase dulot ng masamang panahon.
Matatandaan namang umabot sa mahigit 28 milyon ang bilang ng mga nag-enroll noong nakaraang taon para sa School Year 2022-2023. | ulat ni Diane Lear