Desidido ang Land Transportation Office (LTO) na palawigin pa ang bisa ng driver’s license kung hindi pa aalisin ng Quezon City Regional Trial Court ang Temporary Restraining Order laban sa contractor na gagawa ng plastic cards.
Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na hindi pa binabawi ng QC RT Court Branch 215 ang TRO na nag-uutos sa ahensiyang ipagpaliban ang kontrata nito sa Banner PlastiCard dahil hindi umano ito naging transparent sa natalong bidder na AllCard Inc.
Umaasa si Mendoza na sa gagawing pagdinig sa Miyerkules ay maalis na ang TRO, dahil kung hindi ay mapipilitan silang i-extend ang validity ng mga expired nang driver’s license.
Noong Hunyo nang igawad ng Department of Tansportation ang kontrata para sa mga plastic card sa Banner Plastic Card Inc. na nagsumite ng bid na P219 milyon para sa pagkuha ng mga license card, mas mataas sa P177-milyong bid ng katunggali nito at petitioner na AllCard Inc.
Isang post-qualification evaluation ang nag-disqualify sa AllCard dahil sa “delays” sa isa pang proyektong kinasasangkutan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang ahensya ng gobyerno. | ulat ni Rey Ferrer