Bumili ng bagong fleet ng mga sasakyan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para gamitin sa kanilang kampanya na Oplan Pag-Abot sa Metro Manila at iba pang national urban centers sa bansa.
Sinabi ni Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez na ang pagkuha ng 12 brand-new vehicles ay para mapalakas at mapalawak ang reach-out operations sa mga indibidwal at pamilya sa mga lansangan.
Gagamitin ito ng Oplan Pag-Abot team sa itinalagang apat na cluster o ruta sa 16 na lungsod sa National Capital Region, simula ngayong Setyembre.
Mula nang ipinatupad ang Oplan Pag-abot noong Hulyo, humigit-kumulang 28 street children, 174 na matatanda at 47 pamilya o 142 indibidwal ang na-rescue sa mga lungsod ng Pasay, Caloocan, Taguig, Paranaque, Manila, at Quezon.
Sila ay dinala sa DSWD at local government-run centers at care facilities para may pansamantalang matitirhan at mabigyan ng kaukulang interbensyon.| ulat ni Rey Ferrer