Minungkahi ni Vice President at Education Secretary Sara Z. Duterte sa mga senador na bumuo ng isang batas na magbabawal sa panghihingi ng kontribusyon sa mga estudyante.
Ginawa ng bise presidente ang pahayag matapos ang pagbabahagi ni Senador Raffy Tulfo sa patuloy na panghihingi ng kontribusyon sa mga estudyante para sa mga pangangailangan sa klasrum.
Sa pagdinig ng panukalang 2024 Budget ng DepEd sa senado, pinunto ni Tulfo na kadalasang sa mga parent-teachers meeting ay pangunahing nagiging paksa ang panghihingi ng kontribusyon para sa pambili ng mga electic fan, chalk, floor wax, pintura, test tube, pambayad sa guwardiya at iba pa.
Binigyang diin ni Tulfo, na mayroon namang pondo para sa MOOE (maintenance and other operating expenses) ang bawat paaralan para sa ganitong mga gastos.
May umiiral na rin aniya ang DepEd na ‘no collection’ policy kaya naman tanong ng senador, bakit pa rin ito nangyayari.
Kaya naman bilang tugon, sinabi ng bise presidente na dapat bumuo ng isang batas para magkaroon ng karampatang parusa sa mga guro o magulang na maggigiit ng panghihingi ng financial kontribusyon.| ulat ni Nimfa Asuncion