Naniniwala si Senador Sonny Angara na magiging malaking tulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas sakaling maisabatas ang Tatak Pinoy bill, na isa sa priority bills ng administrasyon.
Ipinaliwanag ni Angara, na layon ng panukalang ito na palakasin ang iba’t ibang industriyang Pinoy, magbigay ng mga oportunidad at pataasin ang kita ng mga Pilipino.
Isinusulong nito ang kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor, para maisulong at mapalakas ang mga lokal na produkto at industriya sa Pilipinas, malaki man o maliit.
Sa pamamagitan aniya nito ay magkakaroon ng pagkakataon ang domestic enterprises na maging globally competitive.
Binigyang diin ng senador, na kapag tinangkilik at sinuportahan ang mga industriyang sariling atin ay magkakaroon ng mas maraming trabaho, mas mataas na sahod, mas maraming negosyo, at mas maraming pagkakataon sa mga kanayunan para umasenso.
Kaya naman kapag naisabatas, kumpiyansa si Angara na ang Tatak Pinoy bill ay malaking tulong sa pagresolba ng matinding kahirapan, kawalan ng trabaho, rural to urban migration, mababang pasweldo, at magiging daan para umunlad ang lahat.
Sa kasalukuyan, nasa plenary debate ang naturang panukalang batas o ang Senate Bill 2426. | ulat ni Nimfa Asuncion