Kinilala ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga nagawa ng mga guro ngayong ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month.
Pinangunahan ni VP Sara ang National Teachers’ Month Kick-Off program sa Bohol Wisdom School ngayong araw.
Sa talumpati ng Pangalawang Pangulo, sinabi nitong maraming mga pangarap ang nagsimula sa loob ng silid-aralan, at karamihan sa mga ito ay inspirasyon ang mga guro.
Ayon kay VP Sara, malaki ang tulong ng mga guro sa nation building. Aniya, kaisa ang mga guro sa pag-abot ng ligtas, mapayapa, at matatag na Pilipinas.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, bukod kasi sa pagtuturo sa mga mag-aaral na bumasa, magsulat, magbilang, malaki ang ambag ng mga guro sa paghubog sa mga kabataan ng kanilang values, gaya ng pagiging magalang, matulungin, mapagmahal, at pagiging disiplinado.
Kaugnay nito ay umaasa naman si VP Sara na maituturo sa mag-aaral ang tamang asal sa tulong na rin ng bagong K-10 curriculum na may subject na Good Manners and Right Conduct. | ulat ni Diane Lear