Cayetano sa gobyerno: Huwag hintaying mag-viral muna ang road rage bago aksyunan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Binigyang-diin ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kahalagahan ng integridad sa pagpapanatili ng public order.

Hinimok din niya ang mga alagad ng batas at mga ahensya ng gobyerno na huwag nang hintaying kumalat muna sa social media ang mga paglabag sa batas bago nila ito aksyunan.

Ipinahayag ito ni Cayetano sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa panghahampas at pagkakasa ng baril ng isang dating pulis sa isang siklista, na nakunan ng camera at kalaunan ay nag-viral.

“Integrity is doing the right thing when no one is looking. It’s unfortunate that in the Philippines, nangangailangan pa ng crisis bago tayo magkagulo lahat to find a solution,” ani Cayetano sa kanyang pambungad na pananalita.

Hinimok niya ang mga alagad ng batas at mga ahensya ng gobyerno na magkusang hanapin ang mga problemang kailangan nilang solusyunan.

Aniya, palaging may mga pribadong indibidwal at mga non-government organization na lulutang para manawagan na mag-imbestiga.

“Tayo ‘yung nasa gobyerno [kaya] dapat tayo [ang] naghahanap ng problema,” aniya. “Dapat kapag napanood natin sa internet, napanood natin sa news, nakita natin sa CCTV, ‘Oh [may] problema, ako ang solusyon dito,” wika niya.

Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na umaasa siyang ang pag-angat ng insidente sa Senado ay magbubunga ng maganda. “Hopefully this crisis will lead to some good,” aniya.

“Personally, hindi talaga ako naniniwala sa bashing sa Internet. Pero actually kung wala kang video na ‘yon, many many more incidents like this na talagang abuso at palakasan ang mangyayari,” pahayag ng senador.

Umapela din si Cayetano sa mga alagad ng batas na maging mas maagap.

“Sana po kapag nangyari ‘to ulit, wala man huhudyat, no one will have to tell you. Automatically mapapanood namin sa TV [at] sa news na ang LTO sinasabi, ‘Iimbestigahan namin y’ung lisensya nito. Bakit siya pumasok sa biking lane, bakit siya lumabas ng kotse sa gitna [ng kalsada],’” aniya.

Pinasalamatan naman ni Cayetano si Public Order and Dangerous Drugs Committee chairperson Senador Ronald Dela Rosa sa pagsasagawa ng pagdinig at si Senador Jinggoy Estrada na nag-udyok nito sa kanyang privilege speech.

Umaasa rin ang senador na magsasagawa ng sariling pagdinig ang House of Representatives hinggil sa kaso.

“It is my hope, my prayer na y’ung personal integrity natin, institutional integrity natin, integrity ng mga batas [ay tumibay],” aniya.###

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us