Patay ang isang rescuer ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa isinagawang search and rescue (SAR) operation sa Sitio Daeng, Barangay Halog East, Tubao, La Union, ngayong araw, Setyembre 5.
Isa si CG Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano Nisperos Jr. sa mga miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon (SOG-NWLZN) na tumugon sa isang “drowning incident” sa Sitio Daeng sa gitna ng patuloy na masamang panahon.
Pagdating sa pinangyarihan, dahan-dahang tumawid si CG PO3 Nisperos para i-secure ang “safety line” sa kabilang dako ngunit nawalan ng balanse at tinangay ng rumaragasang ilog.
Sinubukan siyang iligtas ng kanyang mga kasama ngunit wala na siyang malay nang marekober ng PCG SAR team.
Isinugod ang biktima sa La Union Medical Center para sa medikal na atensyon ngunit idineklara itong “dead on arrival.”
Nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCG sa kaanak ng biktima matapos maipaalam sa kanila ang insidente para maibigay ng anumang kinakailangang tulong sa pamilya. | via Albert M. Caoile | RP1 Agoo