Lumagda ng isang Memorandum of Understanding (MOU) sina Chi Laigo Vallido, Executive Director ng Phillipine NGO Council on Population, Health and Welfare (PNGOC) at Tabaco City Mayor Cielo Krisel Lagman Luistro para sa kasunduang mas palakasin pa ang pagpapatupad ng health services sa lungsod sa tulong ng programang SIKAT (Sama-samang Inisyatiba para sa Kalusugan ng Taong-bayan.)
Sa ilalim ng kasunduan, ilalapit sa mga barangay health worker, kabataan at mga magulang ang primary healthcare services kabilang na ang komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga ina at mga bata. Gayundin, kasama sa napagkasunduan ang libreng pagpapagamot sa mga batang ipinanganak na may clubfoot.
Ayon kay Chi Laigo Vallido, Executive Director ng PNGOC, isa itong hakbang bilang tugon sa mga dumaraming kaso ng sakit matapos ang pandemya. Aniya, napili nila ang Tabaco dahil sa maganda ang implimentasyon ng primary healthcare services sa lugar.
Isa lamang ang lungsod ng Tabaco sa tatlong pilot areas ng proyektong SIKAT kung saan kinabibilangan din ng Baguio City at Barangay Bagong Silangan sa Quezon City.
Ilan sa mga nilalayong tugunan ng nasabing programa ay ang mga respiratory diseases. Dahil na isinagawang pananaliksik ng lokal na pamahalaan ng Tabaco Albay, dumami ang kaso ng Tuberculosis (TB) sa lugar matapos ang pandemya. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay