Nagpaliwanag ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa napaulat na taas-sahod ng executives at opisyal ng hanggang tatlong beses o triple.
Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2024 budget ng Department of Health (DOH), napuna ni Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes ang pagtaas sa sahod ng PhilHealth officials salig na rin sa 2022 report ng Commission on Audit.
Tinanong ng mambabatas kung ano ang naging basehan ng pagtaas na ng kanilang sahod, habang humihingi naman sila ng P100 billion na subsidiya para sa medical service.
Tugon ni Dr. Ish Pargas, PhilHealth Corporate Spokesperson, nakabatay ang taas-sweldo sa Executive Order 150 na inilabas ng Malacañang noong 2021 na nagpapatupad ng standardization sa sweldo ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Nabigla naman si Reyes, na sa panahon ng pandemiya ay humirit ng taas-sahod ang mga GOCC kasama na ang PhilHealth na aniya ay mahirap ipaliwanag sa ordinaryong mamamayan. | ulat ni Kathleen Forbes