Nangako si Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II, na susuriin ang patakaran ng ahensya pagdating sa pagpapatupad ng Temporary Operator’s Permit (TOP).
Tugon ito ni Mendoza sa naging pahayag ni 1-RIDER Party-list Representative Bonifacio Bosita sa budget deliberation ng Department of Transportation (DOTr), tungkol sa hindi naipapatupad ng maayos ang Temporary Operator’s Permit.
Ang mga motoristang mahuhuli ay bibigyan ng temporary operator’s permit o electronic TOP, na may bisa sa loob ng 72 oras.
Pagkatapos ng panahong ito, pagbabawalan nang magmaneho ng anumang sasakyan ang driver.
Sinabi ni Mendoza, na makikipagpulong siya sa Law Enforcement and Traffic Adjudication System (LETAS) at Law Enforcement Service (LES), upang harapin ang pagkakatugma ng TOP at ng Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01.
Nakasaad sa nasabing kautusan ang binagong iskedyul ng mga multa at parusa para sa mga paglabag sa mga batas, alituntunin, at regulasyon na namamahala sa land transportation. | ulat ni Rey Ferrer