Pag-repeal sa anti-agricultural smuggling act, nirerekomenda ng Senate Panel

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nilabas na ng Senate Committee on Agriculture katuwang ang Committees on Justice at Finance at Ways and Means ang report nito tungkol sa isyu ng agricultural smuggling sa bansa.

Sa ilalim ng Committee Report 118, nirerekomenda ang pag-repeal sa Republic Act 10845 at pagkonsidera sa Senate Bill 2432.

Sa ilalim ng panukala ay mas idedetalye ang mga krimen at akasyon na maikokonsiderang agricultural economic sabotage.

Nakapaloob dito na bukod sa agricultural smuggling ay maituturing na rin na economic sabotage ang hoarding, profiteering at cartel kung ang halaga ng masasangkot na produktong pang agrikultura ay aabot ng isang milyong piso pataas.

Ang mga lalabag sa ipinapanukalang batas ay makukulong ng walang piyansa at papatawan ng multa na katumbas ng tatlong beses na halaga ng smuggled fishery at agricultural products.

Ang mga empleyado naman ng gobyerno na masasangkot sa mga economic sabotage acts ay paparusahan ng perpetual disqualification mula sa pagkakaroon ng posisyon sa gobyerno, aalisan ng karapatang bumoto, pakikibahagi sa eleksyon at aalisan ng monetary benefits.

Para maipatupad ng maayos ang panukalang batas, bubuuin ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Council na pamumunuan ng Pangulo o kanyang kinatawan.

Kasama rin sa Council ang:

a) Department of Agriculture (DA)
b) Department of Trade and Industry (DTI)
c) Department of Justice (DOJ)
d) Department of Finance (DOF)
e) Department of the Interior and Local Government (DILG)
f) Department of Transportation (DOTr)
g) Anti-Money Laundering Council (AMLC)
h) Philippine Competition Commission (PCC)

Gayundin ang mga mga representative ng mga sumusunod na sektor:
i) Sugar
ii) Rice and Corn
iii) Livestock and Poultry
iv) Vegetables and Fruits
v) Fisheries and other aquatic products; and
vi) Tobacco

Bubuo rin ng special court, na mas mataas sa Regional Trial Court (RTC), na tututok lang sa mga kaso ng economic sabotage at inalis na sa Bureau of Customs (BoC) ang tungkulin na magsampa ng kaso.

Ayon kay Senate Committe on Agriculture chairperson Senadora Cynthia Villar na kumpiyansa siyang sa pamamagitan ng batas na ito ay magkakaroon na ng prosecution o may mapaparusahan na ng dahil sa smuggling, hoarding, at cartel ng mga agricultural products.

Target rin aniya nilang maipasa ang panukalang ito sa Senado bago ang break ng sesyon sa katapusan ng Setyembre.| ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us