Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko kaugnay sa kanilang mga aktibidad sa social media, dahil sa tumataas na bilang ng mga online romance swindling scheme o panghuhuthot na target ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito ay matapos na maiulat ang nangyari sa isang Pinay OFW na nakabase sa Switzerland at nabiktima ng kanyang nagpanggap na mayamang dayuhang nobyo, at nakuhaan ito ng 40,000 Swiss francs o katumbas ng P2.5 milyon mula sa savings at personal loan ng biktima.
Sa ulat ng Migrant Workers Office (MWO) sa Geneva, nakikiusap ito sa mga kababayan natin na huwag magpalinlang sa mga online romance o love scam.
Ayon pa rito, huwag din magpapadala sa mga matatamis na salita lalo pa sa mga taong hindi pa lubos na kilala.
Batay sa ulat, ang modus operandi ng mga scammer ay nagpapanggap na mayayamang foreigner para makuha ang tiwala at pagmamahal ng biktima, at saka ito manghihingi ng pera at nangangakong ibabalik ito sa mas malaking halaga.
Hinimok naman ng DMW ang mga OFW, na maging maingat at huwag basta magbibigay ng anumang halaga ng pera sa kanilang ‘online romantic partners.’ | ulat ni Diane Lear