Sinimulan na ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Catanduanes ang profiling o paglilista ng mga rice retailers sa lalawigan na apektado ng Executive Order 39 o mandated price ceiling ng bigas.
Ayon kay DTI Catanduanes Provincial Director Mabel Escueta, isinasabay na nila ito sa araw-araw na monitoring ng presyo ng bigas na isinasagawa ng kanilang ahensya, kasama ang DA at CIDG-PNP.
Sa ngayon ay limang rice retailers pa lamang sa Virac ang na-monitor ng DTI na sumusunod sa presyong itinakda para sa well-milled rice habang wala pa aniya silang namomonitor na sumusunod sa regular-milled rice.
Dahilan aniya ng mga ito, nakuha kasi nila ng mahal ang kanilang stocks o inventory na magreresulta sa kanilang pagkalugi.
Kaugnay nito’y mas pinaigting ng ahensya sa kanilang paglilibot ang pagpapaliwanag sa mga rice retailers patungkol sa layunin ng pamahalaan sa pagpapatupad ng EO at ang mga karampatang parusa para sa mga hindi tutugon dito.
Tiniyak naman ni Escueta sa rice retailers na maaapektuhan sa pagsunod sa itinakdang presyo ng bigas na may tulong na ibibigay ang pamahalaan sa pamamagitan ng economic relief subsidy na magmumula sa DSWD. | via Juriz dela Rosa | RP1 Virac