Iniiwan na ng Department of Education o DepEd sa Kongreso ang desisyon sa pag-apruba ng confidential fund ng ahensya.
Ito ay kasunod ng inilabas na pahayag ni Senator Risa Hontiveros na i-reallocate ang ipinapanukalang confidential fund ng DepEd na P150 milyon para sa susunod na taon.
Ani Hontiveros, hanggang ngayon kasi hindi malinaw kung paano gagamitin ng DepEd ang napakalaking confidential fund na mas malaki pa sa confidential fund ng Department of National Defense.
Sa inilabas naman na pahayag ng DepEd, sinabi nitong na naipaliwanag na nila ng komprehensibo ang dahilan ng pangangailangan ng confidential fund upang maprotektahan ang mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel.
Matatandaang sa budget deliberation sa Senado, dinepensahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng confidential fund ng Office of the Vice President at DepEd.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, gagamitin ang naturang pondo upang matiyak na ligtas at maayos na maipatutupad ang mga programa at proyekto ng ahensya. | ulat ni Diane Lear