Umabot sa 95% ng mga rice retailer sa bansa ang sumunod sa ipinatutupad EO 39 o ang mandated price ceiling sa regular at well-milled rice, ayon ‘yan sa Department of Agriculture.
Ayon kay Atty. Willie Ann Angsiy, DA Director for Legal Services at spokesperson, batay sa kanilang monitoring ay tumalima naman ang karamihan ng mga nagbebenta ng bigas sa kautusan ng Pangulo bagamat may iilang umalma.
Dahil dito, mas pinaiigting aniya ng DA ang kanilang intervention para maalalayan ang mga retailer na makasunod sa EO 39.
Kabilang sa tulong ng DA ang logistics support at market linkages nang direkta nang nakapamili sa mga magsasaka ng murang bigas ang mga retailer.
Nakikipagtulungan na rin aniya ang DA sa pribadong sektor at importers para mapanatili ang stock ng murang bigas ng mga retailer.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Wiann na kasama rin sa tinitiyak ng DA sa kanilang monitoring ang maayos na kalidad ng ibinebentang regular at well-milled rice.
Sa gitna na rin ito ng agam-agam ng ilang mamimili na baka hinahaluan ang mga ito ng pangit na kalidad ng bigas.
Ayon kay Atty. Wiann, sumasama sa inspeksyon ng DA ang mga tauhan ng National Food Authority na sumusuri kung tama ang klasipikasyon ng bigas na ibinebenta sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa