Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makabili ng bakuna kontra avian flu bilang proteksyon sa poultry industry ng bansa at maiwasan ang pagtaas sa presyo ng manok at itlog.
Kasunod ito ng pulong ni PBBM sa isa sa nangungunang Indonesian animal health firm na PT Vaksindo Satwa Nusantara.
Inihayag umano ng kumpanya ang pagnanais na makipag-ugnayan sa local partner na UNAHCO Inc. (Univet Nutrition and Animal Healthcare Company) Philippines para sa veterinary vaccine investment na nagkakahalaga ng US$22 milyon ngayon taon.
Plano rin aniya ng kumpanya na maglaan ng bakuna kontra avian flu para sa Pilipinas.
“Making avian flu vaccines available to our poultry sector, along with the adoption of best practices, would help ensure we could sustain the encouraging signs of recovery of the industry…The early delivery of Vaksindo vaccines could spur the revitalization of our country’s poultry industry which has faced serious challenges due to the continuing threat of the avian flu,” ani Romualdez.
Tinukoy ni Romualdez na nagkaroon ng 20% na pagbaba sa produksyon ng itlog sa bansa dahil sa culling o pagpatay ng nasa 10 million chicken layers dahil sa avian flu na unang tumama sa bansa noong 2017.
Dahil dito, tumaas ang presyo ng medium sized na itlog sa Metro Manila ng hanggang ₱8.70 mula sa dating ₱6.90 nitong unang bahagi ng taon.
Habang ang manok naman ay naglalaro ang presyo sa P150 to P200 hanggang nitong Hunyo.
“The President is keenly aware of the plight of the poultry industry sector and the engagement with Vaksindo is a positive step towards addressing the problem of avian flu that continues to beset this sector,” dagdag ng House Speaker.
Ito aniya ang dahilan kung bakit kabilang sa prayoridad ng Pangulo ang pulong sa Vaksindo sa kaniyang pagbisita sa Indonesia maliban pa sa pakikibahagi sa 43rd ASEAN Summit. | ulat ni Kathleen Jean Forbes