Isinusulong ni Senador Francis Tolentino na magpataw ng bayad sa pagpaparehistro ng pang-apat na SIM (subscriber identity module) ng isang subscriber.
Ayon kay Tolentino, layon ng mungkahi niyang ito na mapigilan ang mga scammer na makapanloko ng mga Pilipino.
Inihalintulad pa ng senador ang sitwasyon sa mga subdivision na nagpapataw ng mas mataas na bayad para sa sticker, para sa ikatlong kotse ng isang homeowner.
Naniniwala ang senador, na ang suhestiyon niyang ito ay makakatulong sa mga mahihirap na Pilipino na mayroon lang isa o dalawang cellphone.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Public Services nitong Martes, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang pagbebenta ng mga rehistradong SIM sa iba’t ibang social media paltforms.
Iginiit ng senador, na sa pamamagitan nitong kanyang isinusulong na pagbabayad sa ika-apat na SIM ay mahihirapan nang makapanloko ang mga balak gumawa ng cybercrime, sa pamamagitan ng pagbili ng madaming SIM cards. | ulat ni Nimfa Asuncion