DTI Pangasinan, inaasahang magiging 100% na ang compliance sa EO 39 sa lalawigan sa susunod na linggo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inaasahan ng Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan na magiging 100% na ang compliance rate ng mga nagbebenta ng bigas sa lalawigan sa EO 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Dagupan kay DTI Pangasinan Provincial Director Natalia Dalaten, sinabi nitong nag-iikot naman ang iba’t-ibang mga ahensiya ng pamahalaan at sa tulong narin ng mga LGU ay masasabihan o mapapaalalahanan ang mga nagbebenta sa umiiral nang “price ceiling” para sa regular at well milled rice.

Matatandaan na sa unang araw ng implementasyon ng EO 39 noong araw ng Martes, September 5, mahigit 30% lamang ang namonitor ng DTI na compliance rate subalit umakyat naman ito sa 80% sa kasalukuyan.

Ayon kay Dalaten, kabilang sa mga rason na kanilang nakita kung bakit may mga hindi pa nakatalima sa “price ceiling” ay dahil mayroon pang mga nagbebenta ng bigas na hindi alam ang tungkol sa EO 39 habang marami rin ang nagsabing mahal nilang nabili ang kanilang mga paninda.

Bilang tugon naman dito, inililista ng DTI Pangasinan ang pangalan ng mga pwesto at iniimbentaryo ang suplay ng mga benta nilang bigas upang magamit na basehan sa posibleng ayuda na maipagkaloob sa apektadong rice dealers.

Nanawagan naman si Dalaten sa publiko na kapag may nakitang nagbebenta na hindi sumusunod sa P41 na price cap sa kada kilo ng regular milled rice at P45 para sa well milled rice, agad itong iparating sa pinakamalapit na Negosyo Center ng DTI o sa mga kinauukulan gaya ng PNP. | via Ruel de Guzman | RP1 Dagupan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us