Tumaas ang naitalang compliance rate ng mga retailer ng bigas sa lalawigan ng Pangasinan sa pagpapatupad ng Executive Order 39 o Rice Price Cap na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Dagupan kay Guillermo Avelino Jr, OIC Consumer Protection Division, base sa ika-apat na araw na monitoring ng Department of Trade and Industry Pangasinan, 101 na ang mga rice retailers Ang kanilang nainspeksyon mula sa ibang ibang munisipalidad sa lalawigan.
Sa nasabing bilang umabot sa walumpung (80) porsyento ang compliance rate ng mga ito kumpara sa (37) tatlumpu’t pitong porsyentong compliance rate na naitala sa unang araw ng implementasyon.
Aniya, araw-araw ang paglilibot na isinasagawa ng DTI upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagsunod ng mga rice retailer sa nasabing kautusan.
Aniya may mga priority areas ang mga ito kabilang na ang apat na lungsod sa probinsya na kinabibilangan ng Dagupan City, Alaminos City, Urdaneta City, at San Carlos City.
Nagpasalamat din si Avelino sa mga retailers sa pagsunod sa presyo na nakaloob sa EO sa kabila ng mga inilatag na hinaing ng mga ito na posibleng pagkalugi. | ulat ni Verna Beltran | RP1 Dagupan
📸 LGU Dagupan