Inatasan na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Field Office-9 (Zamboanga Peninsula) na magpadala ng agarang tulong sa mga biktima ng malaking sunog sa Bongao sa Tawi-Tawi kahapon, September 7.
Ayon sa DSWD, nasa higit 100 kabahayan ang natupok habang 1,000 indibidwal ang naitalang naapektuhan ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Dahil dito, nagbigay na ng direktiba si Sec. Gatchalian kay Regional Director Riduan Hadjimuddin na makipag-ugnayan sa Bongao LGU para sa ipapadalang food at non-food items (FNFI).
Sa ulat naman ni FO-9, nakapaghanda na ito ng 1,000 family food packs (FFPs); 1,000 sleeping kits; 1,000 family kits; 1,000 hygiene kits, at 150 modular tents.
Bukod sa ayuda, plano rin ng DSWD na magbigay ng psychosocial support para sa mga apektadong pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa