Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) Forensic Group na hindi nila kikilalanin ang negatibong resulta ng drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) kay dating Mandaluyong Chief of Police Col. Cesar Gerente.
Paliwanag ni PNP Forensic Group Director Police Brig. Gen. Constancio Chinayog, ito’y dahil sa ibang urine sample ang ginamit sa naturang test.
Binigyang-diin ni Chinayog na tanging ang original urine sample na tinest ng Forensic Group ang maaring gamitin sa pag-challenge ng kanilang resulta.
Nagpahayag naman ang opisyal ng mataas na kumpiyansa sa “accuracy” ng kanilang drug testing.
Matatandaang nagpositibo sa confirmatory drug test ng Forensic Group si Gerente matapos na unang magpositibo sa random drug test na isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang mga nagpositibo sa confirmatory test ay binigyan ng 15 araw para i-challenge ang resulta. | ulat ni Leo Sarne