Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na prayoridad ng pamahalaan ang paglikha sa mga trabahong de kalidad at mataas ang kita.
Ito ay kasunod ng inilabas na July 2023 Labor Force Survey, kung saan naitala sa 4.8% ang unemployment rate nitong Hulyo na mas mababa sa 5.2% na naitala sa kaparehong buwan noong 2022.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapabuti ng business climate sa bansa, upang mas makahiyat ng investments na lilikha naman ng mga trabahong dekalidad at mataas ang kita.
Binigyang diin din ng kalihim ang kahalagahan ng mabilis na implementasyon ng fiscal year 2023 budget, at mga programang pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng ‘Build-Better-More’ project na makatutulong sa pagbibigay ng oportunidad sa mga manggagawa.
Dagdag pa ni Balisacan, prayoridad din ng Administrasyong Marcos ang pagpapatupad ng mga programa na makatutulong na mapahusay ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino para mapabuti ang labor market performance ng bansa, lalo na para sa mga nasa vulnerable employment o ‘yung mga self-employed at unpaid family workers. | ulat ni Diane Lear