Sisimulan na bukas ang pamamahagi ng P15,000 cash assistance para sa mga small at micro rice retailer, sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sisimulan ang SLP cash payout sa mga pampublikong pamilihan sa Quezon City, Caloocan City, Lungsod ng Maynila, at San Juan City.
Bukas ng umaga ay pangungunahan mismo nina Secretary Gatchalian at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang SLP payouts, sa Commonwealth Market sa Quezon City at Maypajo Market sa Caloocan City.
Nauna rito, plinantsa na nina Gatchalian at ng DSWD-SLP team kasama ang mga opisyal ng DTI, ang inisyal na listahan ng rice retailers na apektado ng implementasyon ng price ceiling sa ibinebentang regular milled at well-milled rice, alinsunod sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Dagdag pa ni Gatchalian, maging ang mga sari-sari store na nasa paligid ng mga wet market at public market ay kwalipikado ring makatanggap ng P5,000 na SLP subsidy. | ulat ni Diane Lear