Simula na ngayong araw ang sabayang pamamahagi ng ayuda sa maliliit na rice retailers sa apat na lugar sa Metro Manila na apektado ng ipinatutupad na price ceiling sa bigas.
Ang distribusyon ng cash assistance ay isasagawa sa ilalim ng DSWD’s Sustainable Livelihood Program (SLP).
Pangungunahan ito ng Department of Social Welfare and Development, Department of Trade and Industry at maging ng Department of the Interior and Local Government.
Ang actual payout ng P15,000 cash assistance ay ipamamahagi sa rice retailers sa Commonwealth Market sa Quezon City, Maypajo Public Market sa Caloocan, Agora Market sa San Juan at Manila.
Isasagawa ang pamamahagi ng ayuda alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para matulungan ang mga maliliit na magtitinda ng bigas.
Sila itong naapektuhan ng Executive Order 39 o Mandated Price Ceiling sa regular milled rice at well-milled rice na nagkabisa na noong Setyembre 5. | ulat ni Rey Ferrer