Mismong si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang naghayag sa harap ng mga Cagayano ang plano nitong pagtatayo agad ng isang field hospital sa tabi ng itatayong Behavioral Medicine Specialty Center (BMSC) sa Nangalasauan, Amulung, Cagayan upang maipaabot na kaagad ang serbisyong pangkalusugan sa mga taga-Western Amulung at Northern Solana.
Ang BMSC ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nakatuon sa kalusugang pang-damdamin at pangkaisipan, ay ililipat sa Brgy. Nangalasauan, upang mas mailapit ang naturang serbisyo sa mamamayan.
Sa panayam ng lokal na media, sinabi ng kalihim na ito ngayon ang kanyang inisyatiba sa lahat ng itatayong specialty center sa bansa upang habang inuumpisahan ang gusali ay nagsisimula na ang health services para sa mga tao.
Aniya, ang temporary field hospital na gagamitan ng container vans ay kapapalooban ng emergency room (ER) at Out-Patient Department (OPD) sevices, kung kaya’t hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga pasyente para sa kanilang mga simpleng karamdaman lamang.
Samantala, ang kagandahan sa itatayong BMSC sa Nangalasauan ay hindi na kailangang mabigyan ng lisensya ng DOH dahil ang ospital ay bahagi o karugtong ng CVMC, kung kaya’t maaari na itong mag-operate matapos ang konstruksyon.
Malaki rin ang pasasalamat ni Sec Herbosa kina Cagayan 3rd District Representative Joseph Lara at sa maybahay nitong si Dr. Zarah Lara dahil sa donasyong lupa na pagtatayuan ng BMSC.
Aniya, ganito ang uri ng partnership na kailangan nila upang mas mabilis na maisakatuparan ang atas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, na pagtatayo ng specialty centers sa mga rehyon at probinsya sa bansa. | ulat ni Teresa Campos| RP1 Tuguegarao