Nangako ang liderato ng Kamara na pagbubutihin pa ang pagta-trabaho at paglilingkod matapos makakuha ng mataas na performance rating sa ginawang survey ng OCTA research.
Nasa 54% sa mga respondent ang kuntento sa trabaho ng Kamara, 9% ang hindi at 36% ang undecided.
Nakakuha rin ang Kamara ng 55% na trust rating.
Pinasalamatan ni Speaker Martin Romualdez ang publiko sa pagkilala sa ginagawang pagsisilbi ng House of Representatives para sa bayan.
Magsisilbi aniya itong inspirasyon upang lalo pa silang magsikap lalo na sa pagbuo at pagpasa ng mga panukalang makatutulong sa prosperity agenda ng Marcos Jr. administration.
“I thank our people for recognizing the work we do at the House of Representatives for them and the nation under the Marcos administration. That will inspire us to push on and even work harder to remain worthy of their trust. We have already made some headway, and we will carry on with those tasks with more vigor until we have achieved the goals we have set out to do,” sabi ni Romualdez.
Makakaasa din aniya ang mga Pilipino na paiiralin nila ang kanilang oversight power upang matiyak ang abot kayang presyo ng mga bilihin gayundin ang pagtulong sa mga sektor na apektado nito.
Tututukan din umano ng Kamara ang panig ng suplay at produksyon gaya ng pagtulong sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo upang matiyak na maipatutupad ang mga kinakailangang programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes