Umaapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at mga kabalikat nito sa pribadong sektor na nakatutok sa housing program ng administrasyon na gawin ang kanilang mandato nang mayroong katapatan.
Sa ground breaking ceremony ng housing project sa Panganiban Drive sa Naga City, Camarines Sur, nanawagan ang pangulo sa mga opisyal at tauhan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), mga construction group, private financial institutions, mga tanggapan ng pamahalaan, at iba pang kabalikan nito, na sundin lamang kung ano ang itinatakda ng batas.
Ayon sa pangulo, sumunod aniya ang mga ito sa tamang proseso, at gawin ang mga dapat maisakatuparan, alinsunod sa mga regulasyon, at nang mayroong buong katapatan at pagmamahal sa bansa.
“Kasabay ng aking pasasalamat ay ang aking panawagan sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga construction groups, mga pribadong bangko, [at] lahat ng mga katuwang natin—sundin natin ang tamang proseso sa lahat ng ating mga gagawin at sumunod tayo sa mga inilatag na batas at alituntunin. Gawin natin ang lahat ng nararapat nang may buong katapatan at pagmamahal sa bayan.” —Pangulong Marcos.
Ayon sa pangulo, para naman kasi sa mga Pilipino ang mga pabahay na ito, at ang pagiging matagumpay naman ng kahit anong programa, ay nakasalalay sa pagkakaisa ng lahat.
“Ang tagumpay ng anumang programa ng gobyerno ay nakasalalay sa pagkakaisa natin upang mabigyan ng epektibong solusyon ang mga isyu at problema na kailangan ng malawakang kooperasyon ng bawat isa.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan