Tulong pinansyal para sa mga nagbebenta ng bigas na apektado sa ipinapatupad na Executive Order 39 ni Pangulong Marcos masusing pinag-aaralan ng pamahalaang lokal ng Butuan.
Sa kasalukuyan hinihintay ang magiging rekomendasyon ng City Agricultures office ukol sa pagbibigay ng ayuda.
Samantala, pinasisiguro ni Butuan City Mayor Ronnie Vicente Lagnada na tutukan ang presyo ng bigas mula sa mga traders hanggang sa mga rice retailers para matiyak ang pagpapatupad ng Executive Order 39 na nagtatakda sa presyo ng regular milled rice na hindi lalampas sa P41 kada kilo, at well-milled rice na hindi lalampas sa P45 kada kilo.
Inatasan ang City Trade Industry and Investment Promotion Office, City Permits and Licensing Division, City Treasurer’s Office, City Agricultures Office at ang Task Force Bantay Presyo o TFBB para sa regular na inspeksiyon sa mga pamilihan.
Ayon naman kay Tina Cassion hepe ng City Trade Industry and Investment Promotion Office, kung sakaling mayroon pa ring magmamatigas at ayaw sumunod sa EO 39 sa kabila ng mga babala, hindi ito palalampasin at aaksyunan ng City Permits and Licensing Division at ipapaalam sa DTI at DA para naman sa karampatang multa.
Anya, suportado ni Mayor Lagnada ang pagpapatupad ng EO 39 ng Pangulong Marcos dahil malaking tulong ito upang maiwasan ang hoarding, smuggling at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. | ulat ni Jocelyn Morano | RP1 Butuan