Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ang mga rice retailer sa Mandaluyong City Public Market 2 sa tulong na ipaaabot sa kanila ng pamahalaan.
Maliban kasi sa P15,000 ayuda, pinangakuan pa ang mga ito ng lokal na pamahalaan na malilibre pa sa renta ng kanilang puwesto gaya ng ginawa sa Lungsod ng San Juan nang mamahagi ito ng tulong sa mga nagtitinda ng bigas.
Ayon sa mga tindero ng bigas, may nag-ikot na sa kanilang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture o DA nitong weekend.
Una rito, nagpalabas ng listahan ang Mandaluyong City Government ng mga tindahang maaaring mabilhan ng P41 at P45 na kada kilo ng regular at well-milled rice.
Magugunitang sinabi ng DA na inaasahang tatatag na ang presyuhan ng bigas sa mga pamilihan dahil magsisimula na ang anihan ngayong Setyembre at tatagal hanggang Oktubre. | ulat ni Jaymark Dagala