300 hanggang 500 abogado ang target na i-hire ng Ombudsman ngayong taon upang mapabilis ang pagdinig at talakay sa mga kasong inihahain sa kanila.
Ito ang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires nang matanong kung kailan mapupunan ang nasa 47% na bakanteng plantilla position ng tanggapan.
Ayon kay Justice Martires, mas nakatutok sila sa pagkuha ng abogado at IT kaysa sa administrative personnel.
Kailangan aniya nila ng dagdag na abogado matapos pagsamahin ang fact finding investigation at preliminary investigation group upang mas maging episyente at mabilis sa pagtutok sa mga kaso.
Maliban pa ito sa planong pagtatayo ng dagdag na Ombudsman office sa mga probinsya at sectoral office.
Kasalukuyang may 353 na abogado ang Ombudsman sa central at sectoral office.
Kailangan din aniya nilang dagdag na IT personnel upang palakasin ang kanilang IT security.
Nadiskubre kasi aniya nila na may nakapag-hack sa kanilang portal kaya’t natitimbrehan ang mga akusado sa estado ng kanilang mga kaso. | ulat ni Kathleen Jean Forbes